Parang Tao ang mga Aso

May Emosyon ang mga Aso

Sa sikolohiya, sinasabi na mayroong 6 main emotions ang tao - happiness, sadness, fear, disgust, anger, at surprise. Ayon sa obserbasyon ko bilang may alaga, nakararamdam sila ng ganitong mga emosyon base sa ilang mga halimbawang pagkakataon:

Happiness - Kapag uuwi ka sa bahay, kakahol sila hanggang sa malagutan sila ng hininga at sasampa sa mga binti mo para lang mapansin sila. Delikado nga lang kapag nareklamo ka ng mga kapitbahay dahil kung anong oras ka naman umuwi galing sa trabaho. May nabasa akong isang artikulo na nagsasabing naiiyak sa tuwa ang mga alaga (aso) natin kapag nakikita nila tayo mula sa matagal na pagkakaiwan. Lohikal namang ito na maituturing dahil kung ikukumpara sa isang tao na mangulila sa kapwa niyang matagal niyang di nakikita, ay minsa'y katulad lang tayo ng reaksyon.

Sadness - Nalulungkot sila kapag iniwanan mo sila sa bahay. Marami na akong nababasa at napapanood na ang mga aso raw ay nalulungkot kapag naiiwanan sila sa bahay dahil hindi nila tiyak kung babalikan ba sila ng kanilang amo o hindi. Minsan, iniisip ko na pagrerebelde ang ginagawa nilang pagngatngat ng mga gamit dala na rin ng pagiging bored sa bahay. Bunga raw ito ng kawalan ng exercise (physical) at kapag hindi sila nakakaamoy ng mga exciting na bagay katulad ng sariwang hangin, damo, o anumang bago sa kanilang pang-amoy na matatagpuan sa labas.

Fear - Natatakot sila kapag maliligo na. Nakakatuwang pagmasdan ang kanilang mga mukha lalo kung sinabi mo na ang magic words na "Ligo na!". Minsan nababahag ang kanilang buntot, minsan naman sila ay nagpupumiglas kapag dadalhin na sila sa banyo. Pero ang nakakabilib ay di sila takot sa kamatayan. Di sila pumapalag, di sila nababahag, di rin sila natatakot kumpara sa ilang mga tao.

Disgust - Kapag nakakaaamoy sila ng pagkain o ng mga bagay na may di kaaya-ayang amoy, nandidiri rin sila. Bagaman wala akong lubos na pag-intindi sa spectrum ng kanilang amoy, makikita ang kanilang pagkadisgusto sa kung paano sila dumistanya o lumayo sa bagay na iyon. Sa kabilang banda, naaasar din sila kapag may mga pagkakataong ayaw nilang ipet sila. Parang tao. May mga oras na ayaw nating kumausap ng iba o kung gusto nating mapag-isa (lalo kung oras ng pahinga).

Anger - Alerto at agad silang nababadtrip kapag may bagong tao silang naririnig sa kanilang paligid. Sa karanasan ko, dali-dali silang kakahol at pupunta sa kung saan ang pinanggagalingan ng misteryosong tunog. Marahil nakalakihan nila na maging protector ng kanilang pack. Kung kaya't kahit hanggang sa pagpunta sa CR ng kanilang amo ay nakabantay sila.

Surprise - Kung papalarin na gusto nilang matawag ang kanilang pangalan, magugulat muna sila. At sasabayan nila ito nang malugod na pagsayaw ng kanilang buntot. 

Nakakaintindi ang mga Aso

Sabi ng kakilala ko, nakakaintindi raw ang mga aso.

Totoo yun. Subukan mo silang kausapin nang isang beses, maaaring di ka nila maintindihan. Subukan mo sa pangalawa, malamang sa hindi pa. Pero subukan mong ulit-ulitin nang hanggang sa nagiging bahagi na siya ng iyong sistema sa pakikipag usap sa kanya ay tiyak na makikita mong nauunawaan niya na ang lenggwahe mo.

Ayon sa mga siyentista, ang mga aso, kahit di nakaiintindi sa pamamagitan ng wikang ginagamit natin, ay nakakaunawa base sa pag obserba sa patterns, rewards o kaya naman sa emosyon na pinapakita natin sa kanila. Sa aspeto ng patterns, may kakayahan silang bumasa sa kung ano ang maaari mong aksyon base sa nauna mong gawain. Sa rewards naman, mas naeengganyo silang sundin ang mga utos ng kanilang amo kapag tinatapatan ito ng treats na para sa kanila ay tama ang kanilang ginawa. At ang mas nakakabilib ay ang pagbasa nila sa emosyon. Nagre-release kasi tayo ng hormones na naaamoy nila umano. Kung kaya't alam nila kung ikaw ay galit, masaya, malungkot. Pinapantayan nila ang emosyon na ipinapakita mo sa kanila.

Nagpaparamdam at Nararamdaman nila ang Pagmamahal

Naniniwala ako na ang mga aso ay may konsepto din ng love languages - words of affirmation, acts of service, receiving gifts, quality time, at physical touch. Maaaring ikaw ay nag-iisip na ng mga pagkakataong ipinapakita nila ang 5 languages na ito kung kaya't nakakatuwang gunitain ang mga bagay na ito. Hindi man natin sila nauunawaan sa mga kahol nila (words of affirmation), paniguradong bumabawi naman sila sa ibang uri ng pagpapakita ng pagmamahal sa kanilang amo.

Kaugnay nito, mapalad ang mga asong nakakaramdam ng lahat ng ito. Iniisip ko na kung mayroon man tayong pagkukulang bilang amo, hindi nila iniinda ito. Wala silang konsepto ng kung sino ang mas nakapagpupuno ng love tank ng bawat isa. Ang alam nila, habang ang tao ay napapakita ng kabaitan sa kanila, ipapakita nilang mabait sila at kayang magpakita ng pagmamahal na katulad sa tao.


Mga Komento