Marami Pa Akong Dapat Ayusin

Kamakailan, natanong ko ang isa kong officemate—random lang—kung ramdam na ba niya ang pressure sa buhay. Twenty-seven na siya. Ako, twenty-six.

"Hindi naman," sagot niya, kalmado. Parang okay lang ang lahat. Parang hindi pa kailangang magmadali.

May isa pa akong officemate na minsang, sa isang kwentuhang hindi rin sinasadya, naibahagi ang bigat ng pinagdaraanan niya: problema sa pamilya, sa pag-ibig, sa pera. Twenty-five siya. Aminado siyang may pressure siyang nararamdaman, dahil sa pakiramdam na malayo pa siya sa kung saan niya gustong makarating. Na marami pa siyang kailangang ayusin. Na marami pa siyang kailangang buuin.

Ang girlfriend ko, twenty-eight—at hindi random—ay aminado ring may dalang pressure: pressure na dapat settled na, may ipon, may direksyon, kahit papaano ay nakakaramdam ng kaunting luwag sa buhay. Katulad ko.

At ngayon, papalapit na ang edad na trenta. Ilang taon na lang. Halos sabay-sabay kami ng mga ka-batch ko sa paglalakad patungo roon—dahan-dahan pero tuloy-tuloy.

Ano nga ba ang meron sa 30?

Hindi ko alam.

Base sa sitcom na Friends, isang malaking bagay ang maging trenta. Si Joey, isa sa mga karakter, umiyak habang sine-celebrate ang ika-30 niyang kaarawan. Si Rachel, nagbalik sa kwarto matapos siyang batiin ng mga kaibigan niya. 

Pero sa kabilang banda, sabi naman ng isa kong dating katrabaho, wala rin namang espesyal sa pagiging trenta. Parang birthday lang na dumaan—na kailangang ipagdiwang dahil tradisyon, pero kadalasang nauuwi sa panlilibre sa mga kasama sa opisina. Sa madaling salita, dagdag gastusin lang.

Ang tanong ko: bakit nga ba espesyal ang 30th birthday?

Ayon sa isang AI na nakausap ko (a.k.a. si ChatGPT), ito raw ay:

  • Edad ng transition — mula sa dekadang puno ng trial and error papunta sa mas matatag na yugto ng buhay;

  • Edad ng reflection — kung kailan binabalikan ang mga karanasan ng 20s, mabuti man o hindi, bilang pundasyon ng susunod na dekada;

  • Edad ng self-knowledge — kung kailan mas malinaw na kung sino ka, ano ang gusto mo, at ano ang mga bagay na hindi mo na kailangang ipilit.

Pero bakit ko ito sinsulat (at nag-aalala)?

Marahil kasi hindi ko rin talaga alam kung anong klaseng buhay ang naghihintay sa akin pagdating ko ng trenta. At habang palapit ito nang palapit, hindi ko maiwasang tanungin ang sarili: Matagal pa ba itong paghihintay ko na maging maayos - o settled - na sa iba't-ibang aspeto ng buhay?

Sa gitna ng pag-aalinlangan, binalikan ko ang sinabi ng officemate kong hindi nararamdaman ang pressure. At sa simpleng sagot niya, napaisip ako: Baka nga may dahilan para huwag ma-pressure. 

Baka ang pagiging 30 ay hindi sukatan ng "tagumpay" na naabot. Baka hindi dapat pare-pareho ang timeline natin sa buhay. At oo, baka hindi rin natin kailangang ikumpara ang sariling paglalakad sa direksyong tinatahak ng iba.

Maaaring ang iba ay kuntento na. Maaaring natatamasa na nila ang mga bagay na hinahanap pa namin. Pero hindi rin ito dapat maging panukat ng kung gaano tayo kaayos o hindi.

What's life at 30?

Teka, marami pa akong dapat ayusin.


Mga Komento