Ang Pinakamasarap na Almusal


Makatyempo ka lang na makapaglakad sa dis oras ng pagputok ng araw, matic na ang sasalubong sa'yo ang amoy ng pandesal na galing sa digi-pugon. Kapag nagising ka naman ng mga alas otso, swerte mo kung maabutan mo ang sigaw ng magtataho. Kung mga bandang alas diyes, wala kang choice kundi isabay ang almusal na tapsilog (o kahit anumang silog) sa tanghalian. Wala kang choice - dahil kakaunting oras na lang naman ang pagitan o kaya naman ay para isahang gastusin na lang. Alanganin din naman kung mag aalmusal ka sa ganoong oras, tapos ang tanghalian mo ay sa oras ng meryenda. Tiyak na tatamaan ka ng pagiging OC mo, dahil alam ng utak mo na kapag pumatak na ang 12:00 ng tanghali, oras na para kumain at sumagap ng tsismis.

Gayunpaman, ang entri na ito ay hindi para ilarawan kung paano ka magdesisyon sa araw-araw kung ano ang kakainin mo sa almusal. Isa itong pangungumbinsi na ang pinakamasarap na almusal ay KAPE at YOSI.

SIMULAN NATIN SA KAPE
Sa panahon ng pag-usbong ng sari-saring mga coffee shops (na isa rin sa mga lintik na malakas gumamit ng plastic bilang container), eh gayun din ang pagsulpot ng mga "coffee addicts".

"Coffee person ako eh."
"Tara kape.. sa Tagaytay"
"May coffee shop diyan sa may *insert highway*, sakto may saksakan saka wifi pwede tayo mag work."

Hindi ko naman sila masisisi. Sadyang masarap naman talaga ang kape lalo kung hindi ka acidic or pururutin. At masarap magtrabaho (o mag-aral) nang may kasamang "frAppE nA gRandE" o hot coffee.

Mukhang napagtatagpo na nga ng mga konsyumer ang koneksyon sa pagitan ng focus at kape. Nagiging requirement na ng katawan ang paghigop ng kape para makapagbigay ng atensiyon sa anumang gawain na pinagkakaabalahan. At para mas malaking focus ang mabigay, haya at subukang uminom ng mamahaling kape.

"With a great price of coffee comes a great focus"

Trabaho ng kape na gisingin ang diwa. Nakadadagdag sa kabog ng dibdib ang bawat ihip at higop - dahilan para mas panggigilan ang trabaho. Nakakatuon lalo sa kung ano ang dapat na bigyan ng pokus. Gising ang mga detalye sa screen, hanggang sa umabot sa puntong wala ka nang maririnig sa paligid mo kundi ang tunog ng keyboard at ng angil mo.

"PUCHA ALAS ONSE NA?! Kakapasok ko lang kanina ah?!"

Daan din ang kape sa mga short conversations sa mga katrabaho o sa bagong kakilala.

Magsisimula usually ang usapan sa
 
"Coffee person ka rin?"
Sasagot ng "Oo eh, favorite ko yung *insert klase ng kape*".

At tuloy-tuloy na ang usapan hanggang sa umabot na sa:

"Anong ayaw mo kay *insert pangalan ng hate mong officemate o kaklase*?"

Nagiging tulay pa nga ang inumin na ito para husgahan ang kanilang personalidad.

Kapeng walang asukal? Mamamatay tao 'yan.
Kapeng tadtad ng asukal? Sunog na ang baga niyan.
Kapeng tadtad ng gatas? Spoiled brat.
Naka 3 in 1? Seryoso ba?
Kapeng galing 711? Android user.
Kapeng galing sa big time na coffee shop? Iphone user.

Enumerate them. Marami kang mabibigay.

At ang pinakapaborito ko sa lahat - isang simbolo at mini selebrasyon sa sarili na gumising ka ng umaga at maaga. Lalo kung hindi ka morning person kung tawagin, malamang sa malamang eh malaking bagay sa'yo ang bumangon sa pagputok ng araw. Malaki din ang maiaambag nito sa motibasyon mo para magplano bago opisyal na simulan ang araw at tapusin ang trabaho bago matapos ang alas singko ng hapon.

Malas mo lang kung nagising ka nang tanghali. Iinom ka ng kape pero puta para saan pa?!

SUNDAN NATIN NG YOSI
Yosi - paborito ng mga nerbyoso sa kung ano ang naghihintay sa kanila sa hinaharap.

Masarap mag-overthink nang may hipak na yosi. Parang may nagpapakalma sa'yo sa oras na hindi mo alam ang mangyayari sa araw mo.

Bad mood ba ang boss mo?
May quiz kaya sa subject na papasukan mo sa alas syete?
Susunduin ka na ba ni Satanas?

Malaking tulong na ang kakampi mo sa pag-iisa ay tanging sarili mo lang na sunog ang baga.

Susundan mo ng lagok ng ubod na tamis na kape. Swabe! Nagtutugma ang lasa ng usok na hinaluan ng hagod ng asukal. Parang ibababad panandalian ang mga brain neurons mo sa ulo sa malamig na ulirat, kahalintulad ng taong binanlian ng tubig na punong-puno ng yelo.

At hindi lang yan, 'pag pinadaan mo pa sa ilong ang singaw kasabay ng hithit sa bibig, ramdam mo na nagsisiunatan ang mga kulubot mo sa utak. At mapagtatanto mo na may utak ka pa pala. Salamat sa Diyos at kaya mo pang makapag-isip.

Kaya naiintindihan ko na kung bakit mahalaga ang yosi break. Kapag sagad na ang baga sa pwetan ng sigarilyo, saka pa lang magsisilinya ang mga proseso sa pag-iisip mo. Dahan-dahan nang magsusulputan ang mga malilikhain mong ideya. At mareresolba mo na ang buong oras mo nang pinoproblema.

Ang finishing touch? Ang pagpapatunog ng mga daliri sa kamay at ng lagutok ng likod lalo kung matanda ka na. Kapag tapos ka na sa orasyon ay pwede ka nang magsimula sa trabaho.

Hindi ako nasa murang edad para maintindihan na unhealthy ang paninigarilyo. Alam ko ang perwisyo na dala nito sa katawan lalo sa pagtanda. Babanatan pa ng kape - kesyo delikado kapag sumobra ka sa 1-2 tasa o kaya naman kapag sobrang tamis ng timpla.

Gayunpaman, mas ramdam ko maging tao sa mahiwagang kombinasyon na 'to dahil hinahayaan ako nitong makapag-focus, sumalo sa kwento, manghusga, mag-overthink, at magbigay ng oras sa sarili kapag pagod.

Mga Komento