Maraming senyales para masabi na ang tao ay tumatanda na. Maaaring masukat ito sa pamamagitan ng dami ng sumusulpot na puting buhok, pagmamature ng mukha, pagsulpot ng wrinkles, pagkapanot (lalo na sa mga kalalakihan), pagbabago ng timbang, at iba pa.
Sa isang guro (na katulad ko), nasusukat ang pagkatanda sa bilang ng mga estudyanteng nagdaan na sa kanya. At ang nagsisilbing pop quiz sa amin ay ang maalala kung ano ang pangalan ng batang nagtatanong ng "Sir/Ma'am, naaalala niyo pa po ba ako?".
Kamakailan, nang maimbitahan ako sa debut ng dati kong estudyante, may nagtanong sa akin nito. Sabay mano na sinabayan pa ng iba pa niyang mga kaibigan. Sa limang taon ng pagtuturo ko, kaya ko pang maalala ang kanilang mga pangalan lalo't panahon pa ng face to face ang aming pagtatagpo. Madali sa akin na sumagot sa kanilang tanong dahil palatandaan ko ang kanilang seat plan o kaya ay kung paano sila sumagot sa aking klase. Nagiging basehan ko rin kung gaano nga ba sila kakulit o katahimik noong mahawakan ko sila sa asignaturang tinuturo ko. Papaano pa ang gurong nagdaan na ng isang dekada o higit pa sa paaralan, at tinanong siya ng "Sir/Ma'am, naalala niyo pa po ba ako?"
Habang kumakain, may isang estudyang lumapit at umapir. Buti na lamang ay hindi niya ako tinanong. Pero kung tanungin man niya ako ay handa akong sagutin kung ano ang kanyang ngalan.
"Sir, ba't di niyo sinabi na pupunta pala kayo. Eh di sana naiabot ko yung grad pic ko sa inyo." Sabay pakita ng kanyang pitaka na may nakaprontang larawan niyang pinintugan ng pisngi.
Graduating na sila. Gagraduate na sila ng hayskul. Graduating na rin sila sa pagiging teenager.
Nagsilbing wangwang ang mga mga palaisipang ito na paulit-ulit na tumatakbo sa isip ko. Kinukumbinsi ang sarili na "Oo. Graduating na sila.", at kinakalkula sa isip kung ilang taon na nga ba ang lumipas. Bakit ang bilis ng panahon? Hanggang sa binabalik-tanaw ko na lamang ang mga sandaling nakasama ko sila sa klasrum. Kung paano siya naging masungit sa klase. Kung paano umiyak ang mga kaklase niya sa exams. Kung paano sila bumanat ng joke. At kung ano-ano pa. Nag-replay ang ilan sa mga alaalang iyon habang pinagmamasdan ang iba. Sinasabi sa sarili na "Oo. Graduating na sila."
Nagsimula na ang programa. Abala ang lahat na kunan ng video ang debutante kung paano siya magtanghal sa entablado. Pinili ko namang manood lang at i-slowmo ang bawat indak na inihanda bilang pagsusulit sa kanyang pinagpaguran. Kasama ang kanyang "dream team", binigyan niya ng mala-variety show ang mga tao na tiyak namang kinabilib ng mga manonood.
Ang ilan sa mga estudyante ko ay bahagi ng mga tradisyonal na kaganapan sa debut katulad ng 18 shots, 18 dances (na pumalit sa 18 roses), at 18 songs. Ang ilan naman ay naiwan sa table. Nakakatuwa na ganoon pa rin sila mang-asar sa kanilang mga kaibigan na nasa entablado. Kung paano sila humalakhak at pumalakpak, ganoon na ganoon pa rin. Walang pinagbago. Some things never change. Sila pa rin ang mga mag-aaral na makukulit sa klase ko noon.
Nang papatapos na ang programa, binuksan na rin ang mini bar sa gilid. Hudyat ito na bukas na rin ang mga bote ng alak. Handa na rin ang lahat para umorder ng alinman sa dalawa - shot o cocktail. Nagtungo na ang DJ sa harapan at hinahanda na ang dance floor sa mga gustong sumayaw. At dahil legal na sila, hindi na nakapagtataka na kaya na nilang uminom. Hindi na rin nakapagtataka ang mga eksenang napapanood sa pelikula o series - mga kabataang isinasayaw ang lahat ng problema mula sa bahay o eskwela habang iniindayog ng inuming amoy tsiko.
Binalikan ko ang mga panahong kapareho kami ng edad. Panahon kung kailan kaya kong magtagal sa hard drinks na umaabot hanggang umaga. Inumang nagsilbing reward sa bumagsak na exams o kaya bago mag-exams. Lasingan na may kwentuhan, iyakan, at puno ng realizations mula sa kasama. Ang lahat ng ito ay nakabalot sa mga di malilimutang pagkakataon na nagsimula sa pagtuntong sa kolehiyo. Katulad nila, nagsisimula na silang bumuo ng ganitong klaseng memory na dadalhin nila hanggang sila ay tumanda.
Lasing na ang lahat kasama ang birthday celebrator. Umiiyak ang ilan. At tumatawa ang karamihan. Habang nagpapahimasmasan, kinamusta ko sila. Nagtanong-tanong kung ano nang plano sa susunod na taon. May kukuha ng Engineering (sumusunod sa yapak ng kanilang magulang), Biology (bilang paghahanda maging doktor), Military/Navy, Multimedia Arts, Marketing. Masaya ako na ang mga pangarap nila noong estudyante ko pa sila ay hindi nagbago sa paghahanda nila para sa kolehiyo. Kung ano ang ipinakita nilang abilidad noon, ito pa rin ang pinipili nilang paghusayan ngayon at sa hinaharap.
Sa susunod na limang taon, ano pa kaya ang makikita kong pagbabago sa kanila?

Mga Komento
Mag-post ng isang Komento