Huwag Magpaka-ulol sa Romansa

May apat na uri raw ng romantic love: Puppy love, ang "love" na naramdaman ng isang elementary na tinuturing daw na first crush o yung naramdaman mo kapag; First love, ang "love" na naging dahilan ng una mong hindi pagkatulog sa gabi dahil kakaisip sa kanya; Great love, na sa madaling salita ay TOTGA (The One that Got Away) - P@KY*!; at ang huli ay True Love, ang best type of "love" kuno. 

"It is patient, it is kind. It does not envy, it does not boast, and it is not proud. It does not dishonor others, and it is not self-seeking. It is not easily angered, and it keeps no record of wrongs."

 Gayunpaman, ang lahat ng uri ng pag-ibig na ito ay mapanglimita at overrated sa tatlong lebel.

MALIIT NA SUBSET SA MALAWAK NA SUPERSET

Sa Matematika,

"If set A contains set B, then A is said to be the superset of B. If set A is contained in set B then A is said to be the subset of B."

Ipagpalagay natin na ang ideya ng romantic love ay Set A at ang napakaraming mga ideya na bumabalot sa mundo (ideya ng survival, ideya ng politika, etc.) ay Set B. Kung tutuusin, maliit ang puwang ang ginagalawan ng nosyon ng naturang pag-ibig. Mas marami pang ibang subset na kailangang pagtuunan ng pansin at pag-isipan. Mula sa mga teknikal na sangay ng pag-aaral (agham, teknolohiya, Matematika, history, etc.) hanggang sa mga malaking hamon na kinakaharap ng tao. Katulad na lang kung paano nito lagpasan o i-survive ang kapaligirang ginagalawan niya na sinaluhan pa ng salik ng politika.

Halimbawa, sa sitwasyon ng isang estudyante, ipagpalagay nating tanggalin ang sa equation ang romantic love. Magagawa pa rin naman niyang makapag-aral at lalong maging dalubhasa sa nanaisin niyang galugarin. Kaya niya pa ring makapagpasa ng mga requirements niya sa eskwela. Makatutulong pa rin naman siya sa kanyang lipunan, at higit na makapagbibigay ng oras sa organisasyong nais niyang salihan. Samakatuwid, kaya pa rin ng isang mag-aaral na mabuhay at lalo pa siyang magiging produktibo kahit na wala ang pag-ibig na ito.

Isa pa, sa sitwasyon ng magulang. Alisin din natin ang romantic love at ipagpalagay natin na nawala na ang konsepto nito sa kanya. Matatapos ang araw na tungkulin niya pa ring buhayin ang kanyang anak. Makakapagtrabaho pa rin naman siya at kaya niyang kumita para may ipangtustos sa mga pangangailan sa bahay. Nakakapagod oo, pero hindi ang pag-ibig na ito ang sagot para gumaan ang kanyang pinagdadaanan. Katuwang o suporta ang kailangan ng magulang na ito pero hindi ibig sabihin na romansa ang kailangan niya.

Overrated ang sinasabi nila na ang romantikong pag-ibig ang nagpapakatao sa tao. Kung iisipin, kayang mabuhay ng tao kahit wala ito sa kanya.

Marahil ay humaling lamang ang tao sa ideya ng nasabing nosyon pero hindi dahil sabik siya na magmahal.

Maraming pwedeng isipin. Maraming bagay ang mas nagma-matter kumpara sa ideya ng romantic love.

ANG ROMANTIC LOVE AY "GAWA-GAWA LAMANG NG LIPUNAN"

Isang dahilan kung bakit kalokohan ang romantic love ay dahil binibigyan natin ito ng kahulugan na ang tao ay may takdang nakatadhana. One to one relationship, ikanga. Pero kung iisipin, ang mga tao ay kinumpol lamang ng timing, bahagyang pagkakahalintulad (e.g. kung Eduk ang kurso mo, may tiyansa na maging isa kang guro kung kaya't ang makakasama mo sa trabaho ay guro rin) o kaya anumang bagay na may kinalaman (kahit na maliit) sa field na napili niya (e.g. kung musikero ka, may tiyansang ma-in love ka sa isang nagtitinda ng balut - after ng gig, siyempre lalabas ka at magpapapatid ng gutom), at proximity (i.e. kung sa Laguna ka nagtatrabaho, makakatagpo ka talaga ng taga-Laguna). Nagkakaiba lamang ang mga miyembro niyo sa personalidad at pamilyang kinalakihan.

Mula sa pinagsama-samang mga estranghero, ang tao ay pipili ng tatagurian niyang "the best among the rest". Pumipili lamang ang tao sa listahan ng mga maaari niyang bigyan ng label na "destiny". Kung sino ang pinakaswak sa standards niya ay siya ang mag-uuwi ng korona. Ang wala sa radar, better luck next time na lang o try harder.

Para mas maipaliwanag ang ideyang ito, gawin nating halimbawa si Pia Wurtzbach - isang beauty queen. Malaking posibilidad na ang makakatagpo niya ay ka-edad niya na lamang na nakadaupang palad niya (timing). Maaaring ang makakatuluyan niya ay nakilala niya sa pageant, nakasama sa mga kaganapang sinasagi ng field na napili niya (anumang bagay na may kinalaman sa field). At malamang, kung saan malapit naninirahan si Pia ay malapit lang din sa ginagalawan niya ang makatatagpo niya (proximity).

Kaya posible na magkatuluyan ang isang tricycle driver at ang pasaherong lagi niyang inihahatid. Timing? Madalas ka ba namang ihatid sa paroroonan mo. May kinalaman sa field? Wala naman, pero kung isa kang miyembro ng working class, ay sigurado namang sasakay ka ng tricycle papunta sa pinagtatrabahuhan mo. Proximity? Eh may TODA 'yang mga yan, paanong hindi pa magiging proximal yan.

Sa huli, mapapa-put@nG-in@ ka na lang sa konsepto ng romantic love na kadalasan ay naiuugnay natin sa destiny. Hanggang sa magpakahunghang ang tao sa nararamdaman niya, pero in a sense, yung taong binigyan niya ng label na soulmate ay bumabagsak lamang sa tatlong kategoryang ito.

MAY MAS MATIMBANG PA SA ROMANTIC LOVE

Ang punto ko, hindi romantic love ang sagot sa uhaw mong puso at katawan. May iba pang uri ng pag-ibig na maaari pang pagtuunan. Pag-ibig sa barkada o kaibigan (philia), pagmamahal sa sarili (philautia), pagmamahal sa pamilya (storge), at ang pinakapaborito ko sa lahat - na pinakamataas na uri ng pag-ibig ayon kay Gat Andres Bonifacio.. ang pag-ibig sa bayan.

"Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa Tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala."

Malawak ang pag-ibig sa bayan, ang romantic love ay limitado sa paraan na ang pag-ibig ay nakadirekta lamang sa isang tao. Gayundin ang pag-ibig sa kaibigan, at sa pamilya. Kung ang argumentong ipupukol ay makasarili din ang pag-ibig sa sarili (sa kadahilanang sa sarili lamang ito nakatuon), malaking pagkakamali ito.

Ang pagmamahal sa sarili ay katulad ng butong ipinunla sa lupa. Nararapat na diligan (hindi yung berdeng dilig), paarawan, bisitahin, kausapin o anumang porma ng pag-aalaga. Sa oras na ito ay yumabong na ay handa na nitong punan ang gutom na nararamdaman o pangangailangan ng iba. Sa madaling salita, malaki ang maibubungang oportunidad ng pag-ibig sa sarili dahil sa huli ay may kakayahan na itong magmahal sa kapwa na hindi lamang limitado sa isang tao.

Kung bibisitahin ang mundo ng Reddit at Quora, maraming mga dahilan pa ang mababasa kung bakit overrated ang romantic love. Marami na rin ang binigo nito. Ang sulating ito ay pagpapaalala na may mas malalaking bagay pa na maaaring pagbalingan nang higit kumpara sa nasabing uri ng pag-ibig na isa namang b*ll$h!t.

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento